Martes, Enero 17, 2012

Talumpati tungkol sa buhay estudyante sa kolehiyo


Ang Buhay Estudyante sa Kolehiyo

                  Isang magandang hapon po sa inyong lahat!

                  Ano nga ba ang buhay estudyante sa kolehiyo? Mahirap ba? Madali? o tama lang? Ang aking itatalumpati ay tungkol sa buhay estudyante sa kolehiyo. Alam na siguro natin ang pakiramdam ng pagiging isang estudyante, pero, ang pagiging isang kolehiyo? Napakalaking kaibahan pala ang maging isang kolehiyo sa elementarya at sekondarya, lalo na’t tungkol sa sunod-sunod na gawain na kailangan mong tapusin. Napakahalaga ang makapag aral sa kolehiyo kaya hindi dapat tayo o ito binabalewala.
                  Hindi madali ang buhay estudyante sa kolehiyo, lalo na kapag sabay-sabay ang mga gagawing proyekto, takdang-aralin, mga report, at meron pang pag pa-practice ng sayaw sa P.E., dagdag pa natin ang pag re-review para sa exam. Ang hirap tuloy mag isip kung ano ang uunahin. Sa paggawa natin ng mga ito ay dumadagdag pa ang problema sa puyat, kalaban mo pa ang antok. Kaya minsan late nang makapasok sa umaga. Minsan naman ay dadagdag pa ang mga bayarin na nag papabigat sa bulsa. Tulad ngayon, malapit nanaman ang exam kaya marami nanamang kailangang gawin, pero normal lang naman yan dahil lahat yan ay talagang mararanasan sa kolehiyo. Naaalala ko noong unang semestre, kapag nahuli ka ng kahit isang minuto sa pag pasa ng proyekto ay hindi na ito tatanggapin ng instructor, wala naman tayong magagawa dahil binigyan naman nila tayo ng oras at araw para tapusin iyon.
                 Sa kolehiyo, hindi rin nawawala ang pangongopya, nandyan pa rin ang lumiliban sa klase dahil sa tamad nang pumasok. Marami siguro silang pang bayad, kaya ganoon. Ang iba naman lumiliban dahil sa pag lalaro ng mga Online Games. Ang gumagawa lang ng mga ganoong bagay ay mga estudyanteng tamad at hindi nag seseryoso, binabalewala nila ang pag hihirap ng kanilang mga magulang para lang makapag aral sila. Mayroon din akong pinsang ganyang, hindi naman sila mayaman pero ewan ko ba’t hindi siya nag seseryoso sa kanyang pag-aaral, kaya hindi nag tagal ay pinahinto na lamang siya. Hindi rin nawawala ang mga ligawan, mayroon pang mga nag lalakad na nakaholding hands at pa sway sway pa. Mayroon ding mga nag aasawa o nabubuntis ng maaga, dahil siguro sa sobrang pagmamahal.
               Sa buhay kolehiyo ay hindi lang puro hirap sa pag aaral, nandyan parin ang kasiyahan. Hindi rin nawawala sa barkada ang gumimik, pero minsan lang naman kung baga konting pagliliwaliw. Masaya rin kapag pati ang instructor ay kasama mo sa lokohan, at kapag may Tour ang buong klase. Maraming bagay ang masasaya basta lahat ay nagkakasundo.
               Kailangan lang natin ng pagsisikap, maging masipag na estudyante, may determinasyon dahil mas masarap parin sa pakiramdam kapag natapos mo ang ilang taong pag-aaral mo sa kolehiyo, iyon bang aakyat ka sa stage at pinagmamalaki ng magulang. Para sa akin ang makapagtapos sa kolehiyo ay isang malaking pangarap, pangarap ko at pangarap ng ating mga magulang. Sila ang walang sawang sumusuporta at gumagabay na walang ibang hiniling kundi ang mabigyan tayo ng magandang kinabukasan . Ang pagiging kolehiyo mahirap pero masaya.